-- Advertisements --

Nakikipag-ugnayan na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamilya ni Mary Anne Velazquez de Vera, isang Filipina caregiver na nasawi sa Israel sa gitna ng nagpapatuloy na krisis sa Middle East.

Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, nakapagbigay na ang mga social worker ng psychosocial first aid at inaayos na rin ang financial assistance para sa pamilya. Tinutukoy din ang posibleng medical assistance para sa ama ng biktima na may iniindang karamdaman.

Dagdag pa ng ahensya, pinag-aaralan ang pagbibigay ng livelihood support sa iba pang miyembro ng pamilya, kabilang ang pagpapatala sa Sustainable Livelihood Program. Si Mary Anne umano ang isa sa pangunahing breadwinner kaya’t malaki ang naging epekto ng kanyang pagpanaw sa kanilang kabuhayan.

Samantala, patuloy ang koordinasyon ng DSWD sa Department of Migrant Workers, alinsunod sa direktiba ni Ferdinand R. Marcos Jr., upang matiyak na agad na maipararating ang tulong sa mga OFW na apektado ng kaguluhan sa rehiyon. (report by Bombo Jai)