Inaprubahan ng House Committee on Basic Education and Culture noong Lunes ang tatlong pangunahing education reform bills na inakda nina Leyte Rep. Martin Romualdez, Tingog Partylist Representatives, Yedda Marie Romualdez, Andrew Julian Romualdez at Jude Acidre na naglalayong tugunan ang lumalalang krisis sa edukasyon sa bansa.
Kabilang sa mga aprubadong panukala ay ang mga sumusunod: Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act (HB 5577) na siyang nagbibigay daan sa LGUs at pribadong sektor na makipagtulungan sa DepEd sa pagtatayo ng mga silid-aralan para mabawasan ang backlog na higit 165,000 classrooms; Education Pathways Act (HB 4248) siyang nagre-restructure ng post-Junior High School education sa dalawang track: University Preparatory (DepEd) at Technical-Vocational (TESDA), upang mas ma-align ang edukasyon sa employment at learning outcomes at ang Emergency Classroom Building Act (HB 5103) na nagbibigay ng pansamantalang kapangyarihan sa Pangulo para pabilisin ang konstruksyon, rehabilitasyon, at repair ng mga silid-aralan, na itinuturing na national emergency ang kakulangan sa education infrastructure.
Ayon kay Acidre, Chairperson ng House Committee on Higher and Technical Education, ang pag-apruba ng komite ay hakbang patungo sa implementasyon ng mga reporma, hindi lamang pag-diagnose sa problema.
Ang mga panukala ay isusulong na ngayon sa plenaryo bilang bahagi ng mas malawak na programa ng Kamara para palakasin ang batayan ng basic education sa bansa.
















