Inaprubahan ng House Committee on Higher and Technical Education nitong Martes ang dalawang panukalang batas na naglalayong i-update ang pamamahala ng mga State Universities and Colleges (SUCs).
Ito’y matapos ang halos tatlong dekada matapos ipasa ang Republic Act No. 8292 o ang Higher Education Modernization Act of 1997.
Ang mga inaprubahang panukala ay ang House Bill No. 4799, na pangunahing inakda nina TINGOG Party-list Rep. Jude Acidre at Rep. Andrew Julian Romualdez, at House Bill No. 5042, na inakda ni Rep. Ziaur-Rahman “Zia” Alonto Adiong.
Pagsasamahin ang dalawang batas upang makabuo ng isang substitute bill para sa deliberasyon sa plenaryo.
Layon ng nasabing panukalang batas na linawin ang estratehikong papel ng Commission on Higher Education (CHED), palakasin ang mga governing board ng SUCs, at isabatas ang naiibang antas ng awtonomiya batay sa kapasidad at pagganap ng institusyon.
Kabilang sa HB 4799 ang rebisyon sa komposisyon ng board, pagsasanay at sertipikasyon sa pamamahala, at pagtatatag ng Philippine Higher Education Academy para sa paghubog ng pamumuno at succession planning.
Ang HB 5042 ay nagtataguyod din ng modernisadong governance structure at mas matibay na mekanismo ng pananagutan.
Ayon kay Acidre, na Chair ng Committee at Co-Chair ng EDCOM II, layunin ng reporma na i-modernize ang autonomy framework ng SUCs upang maging mas accountable at epektibo ang pamamahala sa mga unibersidad at kolehiyo.
















