-- Advertisements --

Hindi maaapektuhan ang umuusad na impeachment trial kung sakali mang hindi lalahok ang buong defense team ni VP Sara Duterte, ayon kay dating Far Eastern University (FEU) Law Dean Atty. Melencio Sta Maria.

Ayon sa batikang abogado, hindi magiging dahilan ang hindi paglahok ng kampo ng bise upang mapatigil ang paggulong ng trial.

Katwiran pa ng abogado, hindi maaaring maging ‘hostage’ ang isang konstitusyunal na paglilitis sa mga kilos ng respondent o ng kaniyang mga abogado.

Kapag binigyan aniya ng pagkakataon ang kampo ng defense na magprisinta ng argumento ngunit pinili nilang hindi dumalo, ituturing na itong pag-waive o pagtalikod sa kanilang karapatang maghain ng ebidensya.

Ang naturang sistema aniya ay katulad lamang sa mga ordinaryong kaso sa regular na korte.

Ayon pa kay Sta Maria, hangga’t mayroong quorum sa impeachment court, magpapatuloy ang umuusad na paglilitis laban sa pangalawang pangulo.