-- Advertisements --

Iginiit ni Atty. Paolo Panelo, spokesperson ni Vice President Sara Duterte, na malinaw umano sa article xi, section 3(6) ng 1987 constitution na kailangan ang two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado para sa conviction sa impeachment.

Ayon kay Panelo, dahil 24 ang miyembro ng Senado, 16 na boto ang kinakailangan para sa conviction.

Giit niya, mali umano ang naging desisyon ng impeachment court na ibaba ang threshold, dahil wala umanong kapangyarihan ang Senado na baguhin ito.

Iniuugnay rin ni Panelo ang naging ruling sa due process rights ni VP Duterte, partikular sa karapatan umano nito sa patas at walang kinikilingang paglilitis.

Dahil dito, sinabi niyang nawalan na umano ng legal at moral authority ang senate impeachment court na ipagpatuloy ang kaso.

Samantala, inakusahan ni panelo ang administrasyong marcos at ilang senador ng umano’y pagbaluktot sa batas at paggamit ng mga kaso at pagkakakulong upang pigilan ang mga Senador na kumontra sa kanilang agenda.

Iginiit din niyang bahagi umano ito ng pagtatangkang pigilan si VP Duterte sa impeachment at sa 2028 elections.

Sa kanyang mensahe, pinuri ni Panelo ang mga Senador na tumutol sa pagbaba ng threshold at nanawagan na unahin ang bayan kaysa pansariling interes.

Iginiit din niya na hindi umano magwawagi nang tuluyan ang kasamaan at nananatiling kasama ni VP Duterte ang taumbayan.