Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP sa Kongreso na ipasa ang batas na magbabawal sa political dynasties, kasabay ng pagsuporta nito sa “Dapat isa lang” people’s initiative.
Sa Pastoral statement na nilagdaan ni CBCP president Archbishop Gilbert Garcera, sinabi ng mga obispo na hindi dapat maging parang mana ng pamilya ang kapangyarihang pampulitika at binigyang-diin na public trust ang serbisyo publiko.
Ayon sa CBCP, halos 40 taon na mula nang pagtibayin ang 1987 Constitution na nag-aatas sa estado na tiyakin ang pantay na access sa public service at ipagbawal ang political dynasties na dapat tukuyin sa pamamagitan ng batas.
Kaugnay nito, hinikayat ng CBCP ang mga diocese, parokya, Catholic schools, religious communities at Lay organizations na tumulong sa pagpapaliwanag sa publiko tungkol sa people’s initiative at hikayatin ang responsableng pakikilahok dito.
Samantala, sinabi ng Supreme Court na may mandatory constitutional duty ang Kongreso na magpasa ng anti-political dynasty law at inatasan itong kumilos sa lalong madaling panahon.
Gayunman, nilinaw ng korte na kongreso pa rin ang may kapangyarihang tukuyin kung ano ang political dynasty at kung gaano kalawak ang magiging saklaw ng pagbabawal.
















