Naghain ng dalawang panukalang batas ang mga mambabatas na miyembro ng National Unity Party (NUP) na naglalayong ipagbawal ang mga public officials sa paglahok sa government procurement.
Kabilang dito ang House Bill No. 7917 o Anti-“Cong-tractor” Bill na nag-aamyenda sa Republic Act No. 12009 (New Government Procurement Act) at House Resolution No. 810 na nagbabago sa House Rules upang tukuyin ang direktang interes sa kontrata ng gobyerno bilang “disorderly behavior” na maaaring magdulot ng expulsiyon mula sa Kongreso.
Ayon sa panukala, ipinagbabawal sa lahat ng elective at appointive public officials, pati na ang kanilang kamag-anak hanggang ika-apat na antas, nominees, agents, at beneficial owners, ang paglahok sa anumang bahagi ng government procurement. May kaakibat itong awtomatikong diskwalipikasyon, pagkakansela ng award, pagbawi ng bid security, pagtatapos ng kontrata, blacklisting, at pagsampa ng administrative, civil, at criminal cases sa kaso ng misrepresentation o circumvention.
Ayon kay NUP Chairman at Deputy Speaker Ronaldo Puno, layunin ng panukalang batas na ipagbawal ang anumang partisipasyon ng public officials sa procurement.
Kasabay ng panukala, ang House Resolution na magpapatibay sa internal rules ng Kamara, kung saan ang direktang o di-direktang financial interest ng isang miyembro sa government contract ay magiging dahilan ng expulsiyon matapos makumpirma ng Committee on Ethics and Privileges, at aprubahan ng dalawang-katlo ng boto ng mga miyembro.
Ayon sa NUP, prayoridad nila ang agarang pagpasa ng Anti-“Cong-tractor” Bill at ang House Rules amendment bilang bahagi ng kanilang legislative agenda.
















