-- Advertisements --

Opisyal nang nanumpa si dating Department of Social Welfare and Development (DSWD) Undersecretary Danilo G. Pamonag bilang Executive Director ng National Secretariat ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa isang seremonya na pinangunahan ni Executive Secretary Ralph G. Recto.

Sa kanyang bagong tungkulin, pangungunahan ni Pamonag ang pagpapatupad ng National Action Plan for Unity, Peace, and Development (NAP-UPD) 2025–2028 upang tuluyang maibalik ang kapayapaan at kaunlaran sa mga dating apektadong komunidad sa pamamagitan ng Barangay Development Program.

Bago ito, nagsilbi siyang opisyal sa DSWD noong panahon ng pandemya at naging Co-Chairman sa mga programa ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU).

Pumasok sa serbisyo sibil si Pamonag matapos magretiro bilang Lieutenant General sa Armed Forces of the Philippines (AFP), kung saan nakilala siya sa kanyang pamumuno noong 2013 Zamboanga Siege at 2017 Marawi Siege.

Dahil sa kanyang katapangan at estratehikong pamumuno sa pagliligtas ng mga bihag sa Zamboanga, siya rin ang kauna-unahang Asyano na pinarangalan ng kilalang United States Special Operations Command (US SOCOM) Medal.