Hiniling ng Senior Citizens Partylist sa Department of Budget and Management (DBM) na bigyang-konsiderasyon ang funding requirements ng National Commission of Senior Citizens (NCSC). Kaugnay ito ng patuloy na pagdami ng mga senior citizen sa bansa, na umabot na sa humigit-kumulang 12 milyon sa kasalukuyan.
Inihain ni Senior Citizens Partylist Representative Rodolfo “Ompong” M. Ordanes ang apela sa gitna ng ginanap na deliberasyon ng Kongreso para sa panukalang budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay Rep. Ordanes, layunin ng hirit na pondo na tuluyang matustusan at maipamahagi ang benepisyo sa mga unfunded grantees ng Expanded Centenarians Act. Kabilang dito ang mga pumasok sa kwalipikadong edad para sa programa simula pa noong taong 2024.
Binigyang-diin nito na nagpapatuloy pa rin ang paggamit ng mga pondo na nakalaan sa mga taong 2025 at 2026 upang unti-unting mabayaran ang mga natitirang benepisyaryo na hindi pa natatanggap ang kanilang nararapat na cash gifts.
Kaugnay nito, pinalalakas din ng party-list ang panawagan para sa NCSC Digitalization Program. Ang nasabing programa ay magiging mahalagang bahagi sa pagpapatupad ng Elderly Data Management System para sa pangkalahatang alokasyon ng ahensya.
Paliwanag ni Ordanes, kinakailangan ng bansa ang isang integrated at secure system upang mapabuti ang proseso ng validation, maiwasan ang duplication ng pangalan, mapabilis ang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya, at matiyak ang mabilis at tumpak na pagpabot ng benepisyo.
Iginiit ni Ordanes na mahalaga ang digitalization upang magkaroon ng maaasahang database at malinaw na beneficiary validation habang tuloy-tuloy ang pangkalahatang rollout at pagpapatupad ng mga programa para sa mga senior citizen.
















