-- Advertisements --

Inamin ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na malaking hamon ang kawalan ng kumpletong database ng mga driver sa bansa kaya maraming benepisyaryo ang hindi agad naisama sa master list para sa ipinamahaging ayuda.

Ayon kay Gatchalian, umaasa ang ahensya sa mga listahang ibinibigay ng iba’t ibang source gaya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at mga lokal na pamahalaan. Gayunman, hindi umano laging napapanahon ang mga ito dahil pabago-bago ang mga driver, partikular sa jeepney at tricycle sector.

Dagdag pa niya, maging ang mga driver ng TNVS, two-wheel ride-hailing at delivery services ay hindi lahat agad naisama dahil may mga platform na nagkukubli ng ilang pangalan matapos lumampas sa kanilang itinakdang limitasyon.

Iginiit ni Gatchalian na hindi mula sa kanila ang orihinal na mga listahang ginamit sa pamamahagi, ngunit sila ang humarap sa mga reklamo ng mga driver nang magkaroon ng problema sa payout.

Dahil dito, nagsagawa umano ang ahensya ng validation at konsultasyon sa iba’t ibang transport groups hanggang sa makabuo ng listahan ng tinatayang 1.8 milyong driver mula sa iba’t ibang transport modalities, maliban sa non-motorized transport.

Ito na ang kauna-unahang komprehensibong listahan ng mga driver sa bansa na maaari nang gamitin at i-update para mas mapabilis ang pamamahagi ng ayuda sa mga susunod na programa.

Sinabi rin ng ahensya na nakipag-ugnayan na ito sa Department of Transportation (DOTr) upang magkaroon ng mekanismo para sa regular na pag-update ng database.

Humingi naman ang ahensiya ng paumanhin sa mga driver na maaaring hindi pa rin naisama sa listahan, kasabay ng pag-amin na hindi naging perpekto ang proseso ng pamamahagi ng ayuda.