-- Advertisements --

Nasa P241.2 bilyon ang kabuuang ipinapanukalang pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa 2027, ayon sa budget presentation ng kagawaran sa House of Representatives Committee on Appropriations budget hearing ngayong araw, Setyembre 8.

Sa naturang halaga, P235.7 bilyon ang nakalaan sa Office of the Secretary ng DSWD, habang ang natitirang pondo ay para sa mga attached at supervised agencies nito.

Mas mababa ang panukalang pondo kumpara sa 2026 General Appropriations Act, maliban sa National Authority for Child Care (NACC) at National Commission for Senior Citizens (NCSC) na nakatakdang tumaas ang pondo, kabilang dahil sa mga bagong posisyong nilikha o napunan.

Noong Hulyo, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na humihingi ang kagawaran ng nasa P270 bilyon para sa 2027, kabilang ang malaking pondo para sa 4Ps at Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS). 

Ang P241.2-bilyong alokasyon ay bahagi pa lamang ng proposed budget at maaari pang magbago habang nagpapatuloy ang deliberasyon sa Kongreso.