-- Advertisements --

Ikinagalak ni Las Piñas Lone District Rep. Mark Anthony Santos ang desisyon ng administrasyong Marcos na maglaan ng P1.17 bilyon sa susunod na taon para sa matagal nang naantalang Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) Cavite Extension Project.

Ayon kay Rep. Santos ang panukalang dagdag na pondo bilang mahalagang hakbang ay layong matugunan ang mga usaping pinansyal at right-of-way na naging dahilan ng pagkaantala ng proyekto, partikular sa natitirang bahagi ng extension na magsisilbi sa Las Piñas at Cavite.

“Magandang balita ito para sa mga taga-Las Piñas at sa buong southern Metro Manila area. Ang dagdag na pondo ay nangangahulugang mas mapapalakas natin ang pagtutulak para makumpleto ang matagal nang naantalang proyektong ito,” ani Santos.

Nagmumungkahi ang administrasyong Marcos ng P197.3 bilyon para sa rail transport program ng bansa sa 2027, higit sa tatlong beses ng alokasyon ngayong taon, habang pinabibilis ng pamahalaan ang pagpapatupad ng mga pangunahing proyekto sa riles.

Sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP), makatatanggap ang Rail Transport Program ng karagdagang P141.96 bilyon, katumbas ng 256.54-porsiyentong pagtaas mula sa P55.34 bilyon na inilaan sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA).

Para naman sa LRT-1 Cavite Extension Project, ang panukalang alokasyon ay P1.17 bilyon mula sa pambansang infrastructure budget, mas mataas kumpara sa P799.64 milyon noong 2026.

Saklaw ng proyekto ang 11.7-kilometrong extension mula Baclaran hanggang Niog Station sa Bacoor, Cavite, kabilang ang mga natitirang estasyon sa Las Piñas, Zapote, at Niog sa Cavite.

Pinasalamatan ni Santos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagkilala sa agarang pangangailangang makumpleto ang proyekto. 

Hinimok din niya ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na tiyaking mahusay na magagamit ang pondo at agad na maresolba ang mga natitirang hadlang upang hindi na maantala pa ang proyekto.