-- Advertisements --

Pumalo na sa P4.38 bilyon ang kabuuang pinsala sa sektor ng agrikultura sa bansa bunsod ng pananalasa ng Bagyong Maymay, Neng, at Luis, pati na ang epekto ng habagat.

Ang mga nasabing bagyo at habagat ay nagdulot ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at mga kalapit na rehiyon sa bansa, na nag-iwan ng matinding perwisyo sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda.

Inihayag ni Department of Agriculture (DA) spokesperson Arnel De Mesa na ang pinakamalaking porsyento ng nasirang kabuhayan ay naitala sa mga pananim na palay, kung saan pumalo sa P2 bilyon ang kabuuang halaga ng naitalang pinsala dito.

Sumunod naman sa pinakanatamaan ay ang sektor ng gulayan at iba pang high-value crops na nakapagtala ng P1 bilyong pinsala, habang umabot naman sa P500 milyon ang perwisyo sa fisheries sector.

Dahil sa matinding pinsala sa mga taniman, nakapagtala na rin ng P20 hanggang P40 na pagtaas sa presyo ng mga lowland vegetable o mga pangunahing gulay sa mga pamilihan.

Samantala, nilinaw naman ng ahensya na mananatiling sapat ang supply at wala namang naitalang malaking pinsala sa livestock industry sa kabila ng mga nagdaang bagyo.