Mariing pinuna ng grupong Social Watch Philippines (SWP) ang kapansin-pansing pagbaba ng pondo para sa social services sa ilalim ng panukalang national budget para sa taong 2027.
Ayon kay SWP Senior Budget Specialist Alce Quitalig, ang mga programang direktang nagbibigay ng suporta sa mga mahihirap at vulnerable groups, pati na rin ang mga inisyatibang naglalayong magtaas sa kalidad ng buhay ng bawat Pilipino, ang pangunahing dumanas ng malaking budget cut sa susunod na taon.
Paliwanag ni Quitalig, mas pinalaki ng pamahalaan ang pondo para sa mga mandatory program o mga obligasyong kailangang bayaran ng gobyerno, dahilan upang lumiliit ang fiscal space para sa mga direktang serbisyo sa mga mamamayan.
Binigyang-diin ng eksperto na hindi proportional o patas ang pagtaas ng pondo sa mga mandatory services habang bumababa naman ang porsyento para sa mahahalagang sektor tulad ng kalusugan, edukasyon, at social welfare.
Binigyang-pansin din ng grupo ang malaking kaltas sa sektor ng edukasyon kumpara sa kasalukuyang pondo nito, kung saan umaabot sa halos P45 bilyon ang ibinaba na tiyak na magdudulot ng negatibong epekto sa kalidad ng serbisyong pang-edukasyon sa bansa.
Dahil dito, nanawagan ang Social Watch Philippines sa Kongreso na suriing mabuti ang panukalang badyet at tiyaking hindi mababalewala ang pangangailangan ng mga mamamayan kapalit ng iba pang gastusin ng pamahalaan.














