-- Advertisements --

Umabot sa halos 16 katao ang nasawi habang 54 naman ang sugatan matapos tumama ang magnitude 7 na lindol sa liblib na bahagi ng Tibet, China.

Ayon sa mga opisyal, mahigit 300 kabahayan at 20 kulungan ng mga alagang hayop ang gumuho dahil sa malakas na pagyanig.

Batay sa datos ng United States Geological Survey (USGS), tumama ang lindol alas-10:33 ng gabi, lokal na oras. Natukoy ang epicenter nito sa layong 119 kilometro sa silangan-hilagang-silangan ng Nagqu, isang mataas na lugar sa hilagang Tibet.

Naitala ang lindol sa lalim na 18 kilometro o 11 milya.

Samantala, mahigit 1,600 katao mula sa lokal na lalawigan ang itinalaga upang tumulong sa mga operasyon ng paghahanap at pagsagip.

Nakapagtala rin ang mga awtoridad ng halos pitong aftershock na may lakas na magnitude 4.3 hanggang 5.2 at lalim na 10 kilometro.

Ayon naman sa isang ahensiya ng balita sa China, hindi pa rin makontak ang ilang bahagi ng rehiyon dahil sa pagkaantala o pagkawala ng komunikasyon.

Nagdulot din ang lindol ng mga pagguho ng bato o rockfall, na nakaapekto sa ilang pambansang lansangan. Tanging mga sasakyang ginagamit sa emerhensiya, pagsagip, at opisyal na operasyon ang pinapayagang makadaan sa mga apektadong lugar.

Ito ang pinakamalakas na lindol na naitala sa rehiyon sa nakalipas na limang taon.