-- Advertisements --

Nasabat ang tinatayang 4,079 board feet ng narra lumber sa isang checkpoint operation nitong Miyerkules, Setyembre 9 nang harangin ito ng mga awtoridad sa Diadi, Nueva Vizcaya.

Karga-karga ng isang truck ang P2.04 milyong halaga ng narra lumber na pinatungan at itinago pa sa mga buko ng niyog. Sa paghihinala ng awtoridad, ang mga nasabat na kahoy ay maaari umanong galing sa illegal logging.

Ayon pa sa 1st Provincial Mobile Force Company ng Police Provincial Office ng Nueva Vizcaya, tumakas pa umano ang driver at helper ng nasabing truck nang bigo nitong maipakita ang mga kaukulang dokumento at permiso na kinakailangan upang ibyahe ang mga nasabing produkto.

Agad namang nagkasa ng follow-up operation ang lokal na pulisya para matunton ang kinaroroonan ng dalawa, gayundin ang iba pang sangkot sa krimen.

Inilagak naman sa tanggapan ng Diadi Municipal Police Station ang nakumpiskang truck kasama ang bitbit nitong produkto para sa angkop na disposition.