Arestado ang isang dating traffic enforcer matapos itong mangotong ng delivery truck driver ng isang kumpanya sa Parañaque City habang nagpapanggap pa ring nasa serbisyo.
Batay sa pahayag ng kumpanya, dalawang beses lumapit umano ang 42 gulang na suspek. Una nang bumisita nitong Setyembre 1 ang suspek para humingi ng protection money kapalit ng hindi pagsita sa delivery truck ng nasabing kumpanya.
Sunod naman itong bumalik nitong Setyembre 9 para umano’y gawin ang parehong kahilingan sa kumpanya ngunit agad namang humingi ng tulong ang mga ito sa awtoridad upang maaresto ang naturang suspek.
Napagalaman naman sa imbestigasyon na nanungkulan sa Taguig City Traffic Management Office ang akusado bago ito masibak ng tanggapan.
Kasalukuyan naman nang nasa kustodiya na ng pulis ang dating enforcer kung saan nakatakda siyang humarap sa paglilitis. Nahaharap din ang suspek sa kasong Attempted Robbery-Extortion, Usurpation of Authority, and Resistance and Disobedience to a Person in Authority sa ilalim ng Article 151 ng Revised Penal Code.
















