-- Advertisements --

Hinikayat ng Manila Electric Company (Meralco) ang masusing pagtalakay sa panukala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na alisin ang system loss charge sa buwanang singil sa kuryente, kasabay ng babala na dapat isaalang-alang ang magiging epekto nito sa operasyon ng mga power distribution utility.

Sa isang pahayag, sinabi ni Meralco Executive Vice President at Chief Operating Officer Ronnie Aperocho na iginagalang ng kumpanya ang panukalang reporma ng Pangulo, ngunit mahalagang pag-aralan ang posibleng implikasyon nito sa buong industriya ng kuryente.

Ayon kay Aperocho, ang system loss ay hindi natatangi sa Meralco kundi isang normal na bahagi ng operasyon ng lahat ng distribution utility sa paghahatid ng kuryente sa mga consumer.

Matatandaang sa ikalimang State of the Nation Address (SONA), nanawagan si Pangulong Marcos sa Kongreso na amyendahan na ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang ipagbawal ang paniningil ng system loss charge at ang kaugnay nitong value-added tax (VAT) sa mga konsumer.

Ang system loss ay tumutukoy sa pagkawala ng kuryente habang dumaraan ito sa transmission at distribution network dahil sa mga teknikal na dahilan at sa mga ilegal na gawain tulad ng paggamit ng “jumper” at pagnanakaw ng kuryente.

Sa ilalim ng umiiral na mga batas, kabilang ang Republic Act No. 9136 (EPIRA) at Republic Act No. 7832, pinapayagan ang mga distribution utility na mabawi ang bahagi ng system loss sa pamamagitan ng system loss charge na kasama sa buwanang bayarin ng mga consumer.

Paliwanag ng Meralco, ang system loss charge ay isang pass-through charge na hindi direktang kita ng kumpanya at bumubuo sa humigit-kumulang 5% ng kabuuang buwanang singil sa kuryente ng mga customer nito.

Dagdag pa ng kumpanya, patuloy itong namumuhunan sa modernisasyon ng power distribution network at mga programang nagpapababa ng system loss, dahilan upang mapanatili nito ang antas ng system loss na mas mababa sa 6.5% cap na itinakda ng Energy Regulatory Commission (ERC).