-- Advertisements --

Ikinokonsidera ng Philippine National Police (PNP) ang pagrerekomenda ng pagbabawal sa pagpapalabas ng mararahas na pelikula at programa sa telebisyon bilang bahagi ng mga hakbang upang mabawasan ang krimeng kinasasangkutan ng mga menor de edad.

Inihayag ito ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. kasunod ng pananaksak ng isang 14-anyos na estudyante sa kanyang kaklase sa Las Piñas National High School noong Hulyo 31.

Ayon kay Nartatez, hindi lamang sa mga paaralan nagaganap ang mga insidenteng kinasasangkutan ng kabataan, kundi naaapektuhan din ang mga ito ng kanilang kapaligiran, pamilya, komunidad, at social media.

Sinabi rin niya na nakikipag-ugnayan na ang PNP sa iba’t ibang ahensya upang makabuo ng mga hakbang na makatutulong sa pagresolba ng mga suliraning kinahaharap ng mga kabataan.

Kabilang sa mga posibleng rekomendasyon ng PNP ang pagbabawal sa pagpapalabas ng mga mararahas o bayolenteng pelikula at programa sa telebisyon, gayundin ang pagbibigay ng kaukulang rekomendasyon hinggil sa ilang social media applications.

Samantala, ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) lang ang may mandato na magsuri at mag-regulate ng mga palabas sa telebisyon upang maprotektahan ang kapakanan ng mga manonood, lalo na ang mga bata batay sa Presidential Decree No. 1986.