-- Advertisements --

Inaprubahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang pagtaas ng singil sa tubig ng Manila Water Company Inc. at Maynilad Water Services Inc. para sa ikalawang quarter ng 2026 o mula Abril hanggang Hunyo.

Sa isang virtual press briefing nitong Biyernes, Marso 13, sinabi ni Patrick Ty, chief regulator ng MWSS Regulatory Office, na inaprubahan ng MWSS Board of Trustees ang pagpapatupad ng Foreign Currency Differential Adjustment (FCDA) na magiging epektibo simula Abril 1, 2026.

Ang FCDA ay isang tariff mechanism na nire-review kada quarter at nagpapahintulot sa mga water concessionaire na mabawi ang epekto ng pagbabago sa foreign exchange rates, lalo na ang paghina ng piso laban sa dolyar.

Ginagamit ang mekanismong ito dahil may bahagi ng utang ng mga kumpanya na nakabase sa foreign currency na ginagamit sa pagpapalawak at pagpapabuti ng kanilang water at sewerage services.

Para sa Manila Water, humiling ang kumpanya ng 0.76% o P0.39 kada cubic meter na FCDA batay sa 2026 Average Basic Charge na P50.70 kada cubic meter. Ito ay pagtaas mula sa P0.35 kada cubic meter noong unang quarter, o katumbas ng P0.04 kada cubic meter na dagdag.

Dahil dito, inaasahang madadagdagan ang buwanang bayarin ng mga regular na customer ng Manila Water ng:

  • P0.14 para sa konsumo na 10 cubic meters
  • P0.29 para sa 20 cubic meters
  • P0.58 para sa 30 cubic meters

Samantala, inaprubahan din ng MWSS ang pagtaas ng FCDA ng Maynilad sa P0.22 kada cubic meter mula sa P0.13 kada cubic meter noong unang quarter, o katumbas ng P0.09 kada cubic meter na pagtaas para sa Abril hanggang Hunyo.

  • P0.27 dagdag sa 10 cubic meters na konsumo
  • P1.00 dagdag sa 20 cubic meters
  • P2.07 dagdag sa 30 cubic meters

Hinihikayat naman ng MWSS Regulatory Office ang mga kwalipikadong consumer na mag-apply sa Enhanced Lifeline Program (ELP) ng Manila Water at Maynilad.

Ayon kay Ty, ipinatupad ang ELP noong Enero 2025 sa ilalim ng gabay ng MWSS Regulatory Office upang mabigyan ng exemption sa FCDA at mas mababang water rates ang mga low-income households, partikular ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na kumokonsumo ng hanggang 20 cubic meters ng tubig kada buwan.