-- Advertisements --

Makakaranas ng mas mataas na singil sa tubig ang mga residential household sa Metro Manila simula Enero 1, 2026, matapos aprubahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System–Regulatory Office (MWSS RO) ang rate adjustments sa Manila Water at Maynilad.

Ayon sa MWSS RO, papayagan ang pagtaas ng P8.39 kada cubic meter para sa Manila Water at P2.15 kada cubic meter para sa Maynilad. Dahil dito, tataas ang buwanang bayarin ng mga konsyumer depende sa dami ng konsumo, bagama’t mas maliit ang epekto sa mga low-income households na saklaw ng lifeline program.

Ipinaliwanag ni MWSS RO Chief Regulator Patrick Lester Ty na mas mataas ang pagtaas sa Manila Water dahil sa pagtaas ng environmental charge kasunod ng pagpapalawak ng sewer coverage nito.

Ang rate hike ay bahagi ng ikaapat na tranche ng 2023–2027 rate rebasing period, na inaprubahan matapos matugunan ng dalawang concessionaire ang required capital expenditures.

Tiniyak din ng MWSS na walang kakulangan sa suplay ng tubig sa susunod na taon dahil sa mga kasalukuyang infrastructure projects ng Manila Water at Maynilad.