-- Advertisements --

Igagalang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng administrasyon ang pinal na desisyon ng Korte Suprema na nagbabasura sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, bunsod ng paglabag sa tinatawag na one-year bar rule.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, malinaw na kinikilala ng Malacañang ang awtoridad ng Korte Suprema bilang pinakamataas na hukuman ng bansa at tagapagpasya sa mga usaping legal. 

Aniya, bahagi ito ng paggalang sa rule of law at sa prinsipyo ng separation of powers sa pamahalaan.

Dagdag pa ni Castro, hindi makaaapekto ang naturang desisyon sa mga prayoridad na panukalang batas at sa legislative agenda ng administrasyon. Tiniyak niyang magpapatuloy ang pagtutulungan ng ehekutibo at lehislatura upang maisulong ang mga repormang layong mapabuti ang kalagayan ng mamamayan.

Binigyang-diin din ni USec. Castro na hindi pakikialaman ng Pangulo ang anumang magiging hakbang ng House of Representatives, sakaling magpasya itong suriin o baguhin ang mga patakaran sa impeachment. 

Aniya, ito ay saklaw ng kapangyarihan at discretion ng Kongreso bilang isang hiwalay at independenteng sangay ng gobyerno.

Nilinaw rin ng Palasyo na ang desisyon ng Korte Suprema ay hindi nangangahulugan ng paglilinis o pag-abswelto sa mga alegasyong ibinabato laban sa Bise Presidente. Ayon kay Castro, ang naging pasya ng korte ay batay lamang sa usaping teknikal at proseso.