-- Advertisements --

Agad sinibak sa puwesto ang station commander ng Malate Police, kasunod ng umano’y robbery na kinasangkutan ng 6 na pulis-Maynila sa Makati City.

Kasama sa mga sinibak ay ang lahat ng miyembro ng Station Drug Enforcement Unit ng naturang police station.

Ayon kay NCRPO Director MGen. Anthony Aberin, sasailaim ang mga ito sa mga serye ng imbestigasyon upang matukoy ang posible nilang pananagutan.

Hindi aniya mag-aatubili ang kapulisan na tanggalin ang lahat ng mga pulis na sangkot sa naturang krimen, kung mapapatunayan na sila ay nagkasala, tuluyang sampahan ng kaso, at ikulong.

Sa kasalukuyan, nakakulong na ang 6 na pulis, at nahaharap sa patong-patong na kaso.

Kagabi (Jan. 28) nang ireklamo ng tatlong indibidwal ang anim na umanong nanghold-up sa kanila sa Barangay San Isidro, Makati City.

Sa sumunod na pursuit operation ng PNP, naaresto ang mga suspek na kinalaunan ay natukoy din bilang mga pulis.

Positibong kinilala ang mga suspek na sila ang umano’y nanghold-up sa kanila.