Naniniwala si International Criminal Court (ICC) Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti na kailangang humarap si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Pebrero 23, ang araw kung kailan itutuloy ang confirmation of charges hearing sa kaniyang kasong crimes against humanity.
Ayon sa abogado, mahalagang personal na komprontahin ng dating pangulo ang mga ebidensiyang ihaharap laban sa kaniya ng prosecution.
Aniya, dapat magpakita ang pangulo sa naturang hearing upang personal na mapakinggan at masuri ang mga ebidensiya.
Dagdag pa ni Conti, bukod sa ito ay karapatan ng dating pangulo, malaking bagay din na makita ng publiko na haharapin niya ang kaniyang kaso sa mismong korte.
Gayunpaman, naniniwala rin ang abogado na kung makakahanap na naman ng dahilan ang kampo ni Duterte, posibleng muli siyang hindi humarap sa pagdinig.
Paliwanag pa ni Conti, ang confirmation of charges ay isa lamang evidentiary hearing at hindi pa ang mismong paglilitis kung saan huhusgahan kung guilty o hindi ang dating pangulo.















