Nagpahayag ng pagkadismaya ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte matapos tanggihan ng International Criminal Court (ICC) ang kanilang kahilingan na magharap ng sariling ebidensiyang medikal.
Ayon sa lead counsel na si Atty. Nicholas Kaufman, nilabag umano ng hukuman ang nakasanayang proseso dahil hindi sila nabigyan ng pagkakataon na kuwestiyunin ang mga ulat ng mga eksperto na pinili ng mga hukom.
Noong Enero 26, 2026, naglabas ng desisyon ang ICC na nagsasabing “fit to stand trial” si Duterte batay sa pagsusuri ng tatlong independent medical experts.
Ang ruling ay nag-ugat sa pagsusuri na isinagawa noong Disyembre 5, 2025, kung saan itinuring na may kakayahang lumahok sa paglilitis ang dating pangulo.
Dahil dito, itinakda ng ICC ang confirmation of charges hearing sa Pebrero 23, 2026 sa The Hague.
Ang mga kasong kinakaharap ni Duterte ay kaugnay ng umano’y malawakang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng kanyang kampanya kontra droga.
Samantala, iginiit ng depensa na maghahain sila ng apela upang ipaglaban ang karapatan ni Duterte sa due process.
Naniniwala ang kanyang mga abogado na mahalagang marinig ang kanilang panig upang matiyak ang patas na paglilitis sa ICC.















