Kinumpirma ng Makabayan bloc at mga progresibong grupo na tinanggap na ng Office of the House Secretary General ang ikalawang reklamong impeachment laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., matapos itong hindi matanggap noong nakaraang linggo dahil nasa ibang bansa si House Secretary General Cheloy Garafil.
Ayon sa Makabayan, hindi nagbigay ng katiyakan si Garafil kung ang ikalawang reklamo ay agad na ipapasa sa tanggapan ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, o kung ito ay pagsasamahin sa naunang petisyon bago isumite sa plenaryo ng Kamara.
Kasabay nito, muling iginiit ng mga mambabatas ang probisyon ng 1987 Konstitusyon na nagsasaad na hindi maaaring simulan ang higit sa isang impeachment proceeding laban sa parehong opisyal sa loob ng isang taon, bagay na maaaring makaapekto sa pag-usad ng mga reklamo.
Sa ngayon, nananatiling hindi malinaw ang susunod na hakbang ng Kamara kaugnay ng ikalawang reklamong inihain laban sa Pangulo.
Nakatuon ang reklamong impeachment na inindorso ng Makabayan bloc sa tinaguriang “BBM Parametric Formula,” isang polisiya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nangangahulugang Baselined-Balanced-Managed at kapareho rin ng inisyal ng Pangulo.
Ayon sa Makabayan, ginamit umano ang naturang pormula bilang batayan sa paglalaan ng mga pondong pang-imprastruktura ng ehekutibo at Kongreso sa pambansang badyet.
Giit ng grupo, ito rin ang naging basehan ng umano’y mga kickback o pangakong pabor kaugnay ng mga proyekto.
















