-- Advertisements --

Tiniyak ni Senate President Vicente Sotto III ang kahandaan kung sakali mang kailangan ng Senado na mag-convene bilang isang impeachment court.

Ito ay sa kabila ng kaniyang pananaw na ”nakakahiya sa buong mundo” kung sakaling parehong ipa-impeach sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.

Bagaman hindi dapat nangyayari ito aniya, kailangan pa ring paghandaan ng Senado dahil hindi ito isang malayong posibilidad.

Giit ng Senate president, paghahandaan din niya ito dahil sa posibilidad na magiging presiding officer siya sa impeachment court, sakali mang umabot ang mga complaint sa Mataas na Kapulungan.

Kung sakaling mangyari aniya na dalawang sabay na complaint ang didingin, maaaring magpokus ang Senado sa legislative agenda kapag umaga habang magiging impeachment court naman ito sa hapon.

Maaari aniyang gamitin ang MWF schedule (Monday-Wednesday-Friday) sa isang complaint at TTH (Tuesday-Thursday) schedule naman para sa pagdinig sa isa pang reklamo.

Sa kabila rin nito ay umaasa ang batikang senador na hindi pa rin ito mangyayari, dahil idudulot nitong negatibong impresyon sa buong mundo.

Sa kasalukuyan, isang impeachment complaint na ang opisyal na natanggap ng kamara de Representantes habang dalawang iba pa ang tinanggihan nitong tanggapin nitong nakalipas na lingo matapos bumiyahe patungong Taiwan si House Secretary General Cheloy Garafil.

Inaasahan din ang panibagong complaint laban kay VP Sara, pagsapit ng Pebrero, kung kailan matatapos na ang 1-year ban, bunsod ng naunang complaint na inihain sa kaniya nitong nakalipas na taon.