Nakahanda ang Pilipinas na palawakin ang pakikipagtulungan sa iba pang bansa, lalo na sa mga kabilang sa Global South.
Ito ang ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kaniyang talumpati sa UN General Assembly.
Ayon sa Pangulo, maibabahagi ng Pilipinas ang karanasan nito sa healthcare education, migration governance, at Technical Vocational Education and Training upang makatulong sa ibang bansa, partikular sa Small Island Developing States, Least Developed Countries, Landlocked Developing Countries, at mga bansa sa Africa.
Binigyang-diin din ni Pang. Marcos na bilang aktibong miyembro ng G-77 at China, nakikiisa ang Pilipinas sa mga isyu tulad ng financing for development, food and water security, at pagpapatupad ng 2030 Agenda.
Dagdag pa niya, bilang chair ng Like-Minded Group of Middle Income Countries, naniniwala ang Pilipinas na dapat mas matugunan ng UN Development System ang pangangailangan ng middle-income countries, na kinabibilangan ng malaking bahagi ng populasyon at mahihirap sa buong mundo.
Ipinahayag ni Pangulong Marcos na suportado ng Pilipinas ang panawagan ng mga bansa sa Africa para sa reporma sa pandaigdigang pamamahala, kabilang ang pagkakaroon ng permanenteng kinatawan ng Africa sa United Nations Security Council.
Sinabi ng Pangulo na bilang kapwa umuunlad na bansa, nakikiisa ang Pilipinas sa pagpapalakas ng boses ng Africa sa pagbabago ng mga multilateral na institusyon upang mas maging angkop ang mga ito sa realidad ng 21st century.
















