Irorolyo na simula sa susunod na linggo ang 5,000 fuel subsidy para sa mga jeepney at tricycle driver na apektado ng pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo sa gitna ng patuloy na kaguluhan sa Middle East.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, ang ipapamahaging tulong pinansyal ay para mapahupa ang pasanin ng mga tsuper ng dyip at tricyle.
Para mapaspasan ang pagpapatupad nito, pinulong ni Executive Sec. Recto ang Metro Manila Mayors kahapon, para makoordina ang distribusyon ng subsidiya dahil sila ang higit na nakakaalam sa tunay na sitwasyon ng mga tricycle at jeepney drivers sa kanilang nasasakupan.
Papangunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Transportation (DOTr) ang pamamahagi ng fuel subsidy.
Pagkatapos naman ng rollout ng fuel subsidy sa Metro Manila, papalawigin ang programa sa iba pang rehiyon sa bansa.
Ang naturang subsudiya ay parte ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agarang pamamahagi ng tulong at protektahan ang kabuhayan ng mga sektor na direktang apektado ng pagsipa ng presyo ng langis.
















