Hiniling ni Akbayan Partylist Representative Chel Diokno sa House Committee on Justice na ilipat sa kanilang kustodiya ang nakakulong at nagpakilalang bagman umano at dating aide ni Vice President Sara Duterte sa gitna ng banta sa kaniyang seguridad.
Sa isang statement, kinumpirma ng mambabatas na nagpadala siya ng sulat kay Committee chair Representative Gerville Luistro para hilinging mailipat si Madriaga sa kustodiya ng Commitee on Justice para matiyak ang kaniyang seguridad at kahandaang tumestigo sa komite sa tamang oras.
Inihayag ni Diokno na isang material witness si Madriaga sa impeachment proceedings laban sa Bise Presidente.
Sa kasalukuyan, nakakulong si Madriaga sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) facility sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig.
Samantala, nag-mosyon din si Diokno para sa pag-isyu ng “subpoenae duces tecum” o kautusan sa pagdala ng mga dokumento/ebidensya para sa pagsumite ng mga rekord ng gobyerno.
Ayon kay Rep. Diokno, mahalaga ang mga dokumento para makapagpasya ang komite kung may sapat na mga batayan para sa impeachment.
Kabilang sa hinihiling ni Diokno ang isang komprehensibong pagsusuri sa yaman at official conduct ng Pangalawang Pangulo.
Hiniling ng mambabatas sa Office of the Ombudsman ang mga sertipikadong kopya ng financial disclosures o SALN ni Duterte mula 2007 hanggang 2025 upang masuri ng komite ang kabuuang idineklara niyang ari-arian habang nasa serbisyo publiko.
Inatasan din niyang hingin sa Anti-Money Laundering Council ang isang sinumpaang sertipikasyon tungkol sa anumang kahina-hinalang transaksyon na maaaring may kaugnayan kay VP Sara, sa kanyang asawa, o sa kanyang ama, upang matukoy kung may hindi maipaliwanag na yaman o hindi naideklarang mga ari-arian.
Kasama rin sa kanyang kahilingan ang lahat ng dokumento ng imbestigasyon mula sa National Bureau of Investigation kaugnay ng umano’y mga banta ng Bise Presidente laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Diokno, inaasahang tatalakayin ng Committee on Justice ang mga kahilingang ito sa susunod na linggo, na maaaring magsilbing simula ng pormal na yugto ng pagkuha ng ebidensya at mga opisyal na rekord.
















