-- Advertisements --

Hinimok ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla ang Kataas-taasang Hukuman na balikan ang doktrinang patungkol sa plunder. 

Buong paggalang aniyang sinasabi na napapanahon na para muling silipin ng Korte Suprema ang batas laban sa mga sangkot sa pandarambong. 

Naniniwala kasi si Ombudsman Boying Remulla na hindi dapat nagagamit bilang panangga mula sa pananagutan ang batas na para sana panagutin ang mga nagnanakaw ng bilyun-bilyon piso. 

Kanyang inihalintulad ang sitwasyon na nagagamit ang doktrinang ‘main plunderer’ sa mga kaso ng kontrobersyal na flood control projects sa bansa. 

Kumikilos aniya ang maraming galamay ng sindikato, contractors at paglilipat-lipat ng pera nang hindi lumilitaw ang pangalan ng mga nakinabang. 

Kanyang partikular na binanggit ang naging ruling ng Korte Suprema sa kaso noong taon 2016 na Macapagal-Arroyo v. People. 

Buhat aniyang maitatag ang naging pasya ng hukuman, nagkaroon ng panuntunan sa plunder law na hindi naman aniya isinulat ng kongreso. 

Habang sa kasalukuyan nama’y nasa 39 kaso na ang naihain ng Ombudsman sa korte kontra nakaupong senador, dating senador, mga kongresista, dating House Speaker, kalihim, mga kontratista at iba pa.