KALIBO, Aklan— Nananawagan ng madalian ag mabilisang pagpasuspinde ng fuel excise tax ang grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) upang mabawasan ang hirap ng mga magsasaka sa gastos sa kanilang pagsasaka.
Ayon kay KMP chairperson Danilo Ramos, kasalukuyan na nilang nararamdaman ang hirap at bigat ng pamumuhay sa bukirin dahil sa biglaan at malakihang pagtaas ng produktong petrolyo mahigit isang linggo pa lamang ang nakakaraan mula nang atakihin ng Estados Unidos at Israel ang bansang Iran.
Ikinalulungkot ni Ramos ang sitwasyon matapos na nauubusan ng krudo ang kanilang mga makinarya sa pagsasaka sa kadahilanan na hindi nila kaya ang mataas na presyo ng nasabing produkto.
Kaugnay nito, asahan aniya ang mababang produksyon ng palay, gulay at iba pang produktong agrikultural.
Habang pinapatagal aniya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kaniyang desisyon ay lalo pang malugmok ang lahat ng sektor na maaaring makaapekto sa ekonomiya ng Pilipinas.
Binigyang-diin ni Ramos na kailangan ang mabilisang aksyon ng pamahalaan dahil ang fuel subsidy na ipinamamahagi ay hindi sapat at band-aid solution lamang sa kasalukuyang kinakaharap na krisis ng bansa.
Ipinanawagan rin nila kina US President Donald Trump at Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na tigilan na ang pag-atake sa Iran.
















