Naghahanap na ang Pilipinas ng mga alternatibong mapagkukunan ng langis upang matiyak ang matatag na suplay ng gasolina sa gitna ng kawalang-katiyakan sa pandaigdigang merkado.
Sa Press Briefing nitong Martes sa New York, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nakikipag-usap na ang pamahalaan sa iba pang mga bansang nagsusuplay ng langis.
Ayon pa kay Pangulong Marcos, ang pangunahing problema ngayon ay hindi alam kung hanggang kailan tatagal ang galaw ng presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado dahil sa nangyayaring geopolitical tensions.
Binanggit ng Pangulo na walng katikayan ang haba ng nangyayaring tensyon sa Middle East na nakakaapekto sa galaw at presyo ng oil products sa buong mundo.
Pero pagtiyak ng Pangulo, nananatiling nakatutok ang administrasyon para matiyak na matatag at abot-kaya ang suplay ng langis sa Pilipinas.
Samantala, tiniyak naman ng Pangulong Marcos na patuloy na nagsasagawa ng hakbang ang pamahalaan upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.
Ayon sa Pangulo, nagsusumikap ang gobyerno na mapanatiling mababa ang presyo ng mga produkto, ngunit aminado siyang may mga salik na hindi direktang kontrolado ng pamahalaan.
Ibinahagi rin ng Pangulo na kamakailan ay umabot sa higit $100 kada bariles ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na nagdulot ng pangamba sa pamahalaan.
Gayunman, bumaba na ito ngayon sa mas mababa sa $90 kada bariles.
Bagama’t mas mababa ito kumpara sa naunang antas, sinabi ni Pangulong Marcos na mataas pa rin ito dahil nagsimula ang presyo ng langis sa humigit-kumulang $72 kada bariles.










