-- Advertisements --

Umabot na sa 18 katao ang kumpirmadong nasawi sa paglubog ng isang RORO vessel sa karagatang sakop ng Basilan noong Enero 26, 2026.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), may mahigit 20 pa ang nawawala habang 316 pasahero at crew ang nailigtas mula sa insidente.

Ang barkong M/V Trisha Kerstin 3 na pag-aari ng Aleson Shipping ay patungo sana sa Jolo, Sulu nang lumubog bandang alas-1:50 ng madaling araw.

Nasa 359 indibidwal ang sakay ng barko batay sa passenger manifest, kabilang ang 332 pasahero at 27 crew.

Patuloy ang search and rescue operations ng PCG, katuwang ang Navy at Air Force, upang mahanap ang mga nawawala.

Ayon sa ulat, malakas na alon at masamang panahon ang isa sa mga tinitingnang dahilan ng paglubog.

Nanawagan ang mga awtoridad sa publiko na mag-ingat sa pagbibiyahe sa dagat lalo na ngayong panahon ng amihan.

Puspusan din ang aksyon ng Philippine Red Cross (PRC) para maalalayan at mabigyan ng first aid ang mga biktima ng pangyayari.