Tiniyak ng pamahalaan ng Israel ang buong suporta at tulong pinansyal para sa pamilya ng Filipina caregiver na nasawi sa kasagsagan ng isang missile attack sa lungsod ng Tel Aviv.
Ito ay matapos ang personal na pagbisita at pakikipagpulong ni Israeli President Isaac Herzog kay Bernie Lavarias, ang naulilang mister ng biktimang si Mary Ann De Vera.
Kasama sa nasabing pag-uusap si Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola.
Ayon sa pamahalaan ng Israel, ginarantiyahan ni Herzog na makakatanggap si Lavarias ng agarang ayuda.
Bukod pa rito, bibigyan din ang pamilya ng buwanang stipend o sustento mula sa national insurance system ng kanilang bansa bilang bahagi ng programa sa mga biktima ng digmaan.
Sa naging pagbisita, ipinahayag ng pangulo ng Israel ang matinding pasasalamat ng kanilang estado sa dedikasyon ng mga manggagawang Pilipino.
Ibinahagi rin ni Herzog ang kanyang personal na koneksyon sa mga Pilipino, matapos magsilbi ang isang Filipina caregiver sa kanyang sariling pamilya noon.
Aniya, itinuturing na ng maraming Israeli ang mga Pilipino bilang tunay na bahagi ng kanilang tahanan.
Samantala, nakatakdang umuwi sa Maynila si Lavarias upang ihatid ang mga labi ng kanyang misis.
Kasabay nito, tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang kanilang kahandaang umalalay sa proseso ng repatriation at magbigay ng karagdagang tulong para sa mga naiwang kaanak ni De Vera sa Pilipinas.
















