Hiniling ni Deputy Speaker Paolo Ortega V sa House Committee on Justice na isama si dating Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang bilang resource person sa pagdinig sa mga impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, lalo na sa isyu ng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at umano’y hindi maipaliwanag na yaman.
Ayon kay Ortega, si Carandang ay may direktang karanasan sa pagsusuri ng bank records at financial transactions na konektado sa dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at mga miyembro ng kanyang pamilya, kabilang si VP Sara.
Naniniwala si Ortega na makakatulong ang kaalaman ni Carandang sa komite para mas maunawaan kung paano sinusuri ng mga imbestigador ang bank records at SALN disclosures.
Si Carandang ay nagsilbi bilang Overall Deputy Ombudsman mula 2013 hanggang 2019 at namahala sa mga malalaking kaso ng korapsyon sa tanggapan ng Ombudsman.
Naging tampok siya sa pambansang balita noong 2017 nang kumpirmahin niya na nakuha ng Ombudsman ang bank transaction records mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) bilang bahagi ng imbestigasyon sa plunder complaint laban kay dating Pangulong Duterte at sa kanyang pamilya.
Si Ortega, na endorser ng ika-apat na impeachment complaint laban kay VP Sara, ay nagsabi na ang testimonya ng mga eksperto sa financial investigations ay makapagpapalakas sa fact-finding ng komite.
Ang ika-apat na impeachment complaint ay tumutukoy sa umano’y graft, bribery, procurement irregularities, unexplained wealth, at misdeclarations sa SALN.
Nakita ng House Committee on Justice na sapat ang form at substance ng complaint, kaya nagpapatuloy ang hearings.
Susunod na hakbang ay ang pagsusuri at pagtukoy ng probable cause ng nasabing reklamo bago ito iharap sa plenaryo ng Kongreso para sa karagdagang aksyon.










