-- Advertisements --

Nagbabadya ang matinding kakulangan sa mga pampublikong sasakyan matapos kumpirmahin ng transport group na Manibela na marami nang tsuper ang kusang tumitigil sa pamamasada dahil sa napipintong pag-abot sa 100 pesos ng kada litro ng diesel.

Bilang last resort upang hindi tuluyang mamatay ang sektor ng transportasyon, inihayag ni Manibela Chairman Mar Valbuena sa panayam ng Bombo Radyo na pormal na silang maghahain ng petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa piso hanggang dalawang pisong provisional fare increase.

Ayon kay Valbuena, umaabot na sa halos 100 porsyento ang itinaas ng petrolyo mula sa dating 55 pesos na base price, na siyang nagsisilbing trigger point ng kanilang grupo upang itulak ang dagdag-pasahe.

“Kasi kung mas malaki na po ‘yung gastos namin sa diesel at mas maliit na ‘yung kikitain namin, o baka lugi pa, bakit pa kami magpapatuloy?” pahayag ni Valbuena. Nawawalan umano ng 400 hanggang 500 pesos na kita kada araw ang mga tsuper.

Bukod sa krisis sa krudo, inirereklamo rin ng grupo ang kalituhan at diskriminasyon sa pamamahagi ng fuel subsidy at assistance to individuals in crisis situation (AICS). Pinuna ni Valbuena ang hindi pantay na ayuda kung saan 10,000 pesos ang laan para sa mga modernized units habang 5,000 pesos lamang sa mga traditional jeepney.

Nagdulot din ng matinding abala at miscommunication sa mga tsuper ang hindi malinaw na guidelines ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng mga local government unit (LGU). Ayon sa Manibela, hinihingan ng mga LGU ang mga tsuper ng certification mula sa LTFRB. Ngunit iginiit ni Valbuena na ang hawak lamang ng ahensya ay ang pangalan ng mga franchise holder at hindi ng mga aktwal na nagmamaneho sa kalsada.

Dahil dito, inirekomenda ng grupo na gamitin ng gobyerno ang updated list mula sa mga mismong samahan at TODA sa halip na umasa sa lumang record ng LTFRB noong panahon pa ng pandemic.

Bilang pangmatagalang solusyon at alternatibo sa pagtaas ng pamasahe, umapela ang pamunuan ng Manibela sa ehekutibo at mga mambabatas na madaliin ang pagsuspinde sa excise tax at value-added tax. Mahigpit din nilang iginigiit na ibasura na ang Oil Deregulation Law dahil nawalan na umano ng power ang gobyerno na kontrolin ang presyo at pigilan ang pananamantala ng malalaking kumpanya sa gitna ng krisis.