-- Advertisements --

Binawi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Authority to Operate at renewal application ng dalawang Transport Network Company o TNC dahil sa paglabag sa mga regulasyon.

Kabilang dito ang Leggo Information Technology Solutions at Aztech Solutions International Corp.

Ayon kay LTFRB Acting Chairperson Atty. Greg Pua Jr., nabigo ang dalawang TNC na matugunan ang mga kondisyon para sa pagpapatakbo ng platform para sa Transport Network Vehicle Service o TNVS.

Dahil dito, una nang kinansela at binawi ng LTFRB ang kanilang Certificate of Accreditation at renewal application.

Giit ng LTFRB, hindi ito mag-aatubiling magsuspinde o bumawi ng Authority to Operate sa mga TNC na hindi sumusunod sa mga itinakdang panuntunan, lalo na kung maaaring makompromiso ang kaligtasan at maayos na serbisyo sa mga commuter.

Ayon kay Pua, ang pagkakaroon ng Certificate of Accreditation ay may kaakibat na responsibilidad at obligasyon na makapagbigay ng maayos na serbisyo sa mga pasahero.