Hindi napag-usapan ang patuloy na labanan sa Middle East sa naging pagpupulong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at mga US Defense Officials na ginanap sa New York, Amerika.
Ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, nakatuon ang pulong sa pagpapalakas ng Philippines–United States Defense Partnership at hindi sa sitwasyon sa Middle East.
Sinabi ni Castro na kabilang sa mga tinalakay sa meeting ang mga nakatakdang Balikatan exercises sa pagitan ng militar ng Pilipinas at Estados Unidos, gayundin ang patuloy na pagpapatupad ng Mutual Defense Treaty ng dalawang bansa.
Sa tanong kung may bagong commitment ang Estados Unidos pagdating sa security support sa Pilipinas, sinabi ni Castro na nananatili ang pangako ng Amerika na ipagpatuloy at lalo pang palakasin ang defense partnership ng dalawang bansa sa ilalim ng umiiral na kasunduan.
Wala namang ibinahaging karagdagang detalye ang Malacañang kung may iba pang usapin na natalakay sa naturang pagpupulong.
Sa naturang pagbisita, nakipagkita si Pangulong Marcos kay U.S. Undersecretary of Defense for Policy Eldridge Colby at sa kanyang delegasyon sa New York.
Sa kanilang pagpupulong, tinalakay ang pagpapalakas ng kakayahan ng dalawang bansa sa paghadlang sa mga banta sa Indo-Pacific region, gayundin ang pagpapabuti ng koordinasyon at interoperability sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at militar ng Estados Unidos sa pamamagitan ng magkasanib na operasyon.
Muling pinagtibay ng dalawang panig ang kanilang pangako sa Mutual Defense Treaty at ang patuloy na pagtutulungan upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa Indo-Pacific region.















