-- Advertisements --

Sa muling pagtutok ng PAGASA sa heat index forecast hinggil sa pagbabantay sa epekto ng super El Niño, naitala agad nitong Martes, Nobyembre 3, ang pinakamataas na 44 degrees Celsius heat index sa dalawang lugar sa bansa.

Batay sa forecast ng state weather bureau nitong Martes, tinamaan ng 44 degrees Celsius heat index ang Dagupan City sa Pangasinan at Borongan, Eastern Samar.

Kasunod niyan, limang lugar naman ang nakapagtala ng ikalawang pinakamataas na heat index na 43 degrees Celsius, tulad ng Bacnotan sa La Union, Iloilo City at Dumangas sa Iloilo, Mambusao, Capiz, at ang Butuan City sa Agusan del Norte.

Pumalo naman sa 42 degrees Celsius na heat index ang mga lugar ng San Jose sa Occidental Mindoro, Cuyo sa Palawan, kabilang ang isla ng Siquijor at Guiuan sa Eastern Samar.

Samantala, ang heat index naman na papatak sa pagita ng 42 at 51 ay maituturing nasa danger category, kung saan ang anumang matagalang exposure sa init ay maaaring magdulot ng heat exhaustion o heat stroke.

Para naman sa forecast ngayong araw ng Miyerkules, inaasahan ng ahensiya na papalo muli sa 42 degrees Celsius ang ilang lugar sa rehiyon ng MIMAROPA sa Cuyo at Coron, Palawan, at San Jose, Occidental Mindoro.

Gayundin sa Western Visayas sa lugar ng Iloilo City at Dumangas, kabilang ang La Granja, La Carlota sa Negros Island Region.

Inaasahan din ang init na papalo sa danger category sa Hinatuan, Surigao del Norte at Butuan City, Agusan del Norte sa Caraga, at isang lugar sa Eastern Visayas sa Borongan, Eastern Samar.