May sampung araw ang mga employer at manggagawa para umapela sa bagong wage orders na inaprubahan para sa Western Visayas at SOCCSKSARGEN.
Ayon kay DOLE Secretary Francis Tolentino, maaaring ihain sa National Wages and Productivity Commission o NWPC ang anumang pagtutol o kahilingan kaugnay ng bagong dagdag-sahod.
Para naman sa mga kumpanyang mahihirapang sumunod sa wage adjustment, maaari silang humingi ng tulong sa pamamagitan ng Sagip-Trabaho program ng kagawaran o maghain ng kahilingan para sa exemption kung kwalipikado.
Binigyang-diin ni Tolentino na kailangang dumaan sa tamang proseso ang mga apela at kahilingan para sa exemption upang maprotektahan ang kapakanan ng mga manggagawa, habang isinasaalang-alang din ang kakayahan ng mga negosyong magpatuloy sa kanilang operasyon.
Tiniyak din ng kalihim na dumaan sa public consultation at public hearing ang apat na wage orders sa iba’t ibang lugar sa Region 6 at Region 12.
Kabilang sa mga nakilahok ang mga manggagawa, employer, labor groups at business groups upang matiyak na napakinggan ang panig at suhestiyon ng bawat sektor bago aprubahan ang bagong dagdag-sahod.
Matatandaang sa Western Visayas, tataas ng Php 40 hanggang Pho 45 ang arawang minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor, habang madaragdagan naman ng Php 500 kada buwan ang sahod ng mga kasambahay.
Sa SOCCSKSARGEN, kabuuang Php 41 ang itataas sa arawang minimum wage na ipatutupad sa dalawang yugto.
Unang ipatutupad ang Php 16 dagdag-sahod, na susundan ng karagdagang Php 25 sa susunod na tranche.
















