Aprubado na ang panibagong dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa Western Visayas at SOCCSKSARGEN.
Pinagtibay ng National Wages and Productivity Commission (NWPC), sa pangunguna ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino, ang mga bagong wage order para sa dalawang rehiyon.
Sa Western Visayas, madaragdagan ng Php 40 hangganng Php 45 ang arawang minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Dahil dito, magiging Php 590 na ang minimum wage sa malalaking non-agricultural establishments, habang Php 565 naman sa maliliit na negosyo at sektor ng agrikultura.
Makakakuha rin ng Php 500 dagdag sa buwanang sahod ang mga kasambahay, kaya magiging Php 7,000 na ang kanilang minimum wage.
Sa SOCCSKSARGEN naman, kabuuang Php 41 ang itataas sa arawang minimum wage na ipatutupad sa dalawang tranche.
Unang ipatutupad ang Php 16 dagdag-sahod sa Nobyembre 19, habang ang natitirang Php 25 ay magkakabisa sa Enero 1, 2027.
Madaragdagan din ng Php 450 kada buwan ang minimum wage ng mga kasambahay sa rehiyon, mula Php 8,000 ay magiging Php 8,450 na.
Tinatayang mahigit 600,000 manggagawa at kasambahay sa dalawang rehiyon ang makikinabang sa bagong wage adjustment.
Kabilang dito ang 193,000 minimum wage earners at 161,000 kasambahay sa Western Visayas, gayundin ang 209,000 minimum wage earners at 38,000 kasambahay sa SOCCSKSARGEN.
Inaasahang ilalathala ngayong Nobyembre 4 ang apat na wage order, habang Nobyembre 19 naman magsisimula ang pagpapatupad ng mga bagong dagdag-sahod, maliban sa ikalawang tranche sa SOCCSKSARGEN na sa Enero 2027 pa ipatutupad.













