Pinal na ang work stoppage order na ipinataw ng Department of Labor and Employment-National Capital Region (DOLE-NCR) sa anim na barko ng Atienza Shipping Lines kasunod ng trahedya sa nasunog na MV June Aster.
Ayon kay DOLE-NCR Regional Director Roi Buenafe, natuklasan sa inspeksyon sa mga barko ng kompanya sa Navotas City ang kawalan ng Occupational Safety and Health (OSH) program, mga safety officer, at emergency preparedness module.
Kabilang ang mga ito sa mga paglabag sa safety standards na kailangang tugunan ng kompanya kasunod ng insidente sa MV June Aster na ikinasawi ng 77 katao.
Dahil sa work stoppage order, hindi muna maaaring bumiyahe ang anim na barko hangga’t hindi naitatama ng kompanya ang mga natukoy na kakulangan.
Gayunman, tiniyak ni Buenafe na magpapatuloy ang pagbabayad ng sahod sa mga manggagawa kahit hindi muna makapag-operate ang mga barko.
Binigyan ang kompanya ng sampung araw, hanggang Oktubre 23, upang sumunod at kung hindi ay maaaring mapatawan ng administrative penalty na aabot sa Php 100,000.
Kaugnay nito, nagbabala si DOLE Secretary Francis Tolentino sa mga kompanya ng pagpapadala na mahigpit na sundin ang occupational safety standards upang matiyak ang kaligtasan hindi lamang ng mga tripulante kundi maging ng mga pasahero.















