Ipinahinto ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang operasyon ng The Icon Clinic sa San Juan City matapos makitaan ng ilang paglabag sa mga batas paggawa at pamantayan sa kaligtasan sa lugar ng trabaho.
Ayon sa labor inspector, kabilang sa mga paglabag ang hindi pagsunod sa Occupational Safety and Health Standards, kabilang ang kakulangan sa hazard identification at risk assessment, at hindi pagsusumite ng mga kinakailangang ulat sa DOLE.
Nadiskubre rin na isa lamang ang safety officer ng klinika, gayung dalawa ang kinakailangan sa high-risk workplace na gaya nito.
Dahil dito, naglabas ng work stoppage order ang DOLE-NCR.
Sa pagdinig, kinuwestiyon naman ng abogado ng klinika na si Atty. Roberto Concepcion ang batayan ng kautusan.Gayunman, sinabi niyang pinapayuhan niya ang kaniyang kliyente na sumunod sa utos ng kagawaran.
Inatasan ni Labor Secretary Francis Tolentino ang kampo ng klinika na magsumite sa loob ng sampung araw ng memorandum na naglalaman ng kanilang mga argumento kaugnay ng work stoppage order at mga natuklasang paglabag.
Ayon din sa DOLE, nangako ang klinika na itatama ang mga kakulangan sa loob ng 20 araw.
Samantala, inatasan ang DOLE-NCR na magsumite ng komprehensibong ulat sa inspeksiyon at pagsunod ng klinika sa loob ng limang araw ng trabaho.
Ang naturang clinic ay iniugnay sa pagkamatay ng isang 29-anyos na babae noong 2017 matapos sumailalim sa tatlong aesthetic procedure.
















