Nagsampa na ng kasong falsification of public documents ang Philippine Coast Guard (PCG) laban sa kapitan ng MV June Aster na si Roel Sarmiento kaugnay ng insidente sa karagatan ng Coron, Palawan.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, may kinalaman ang reklamo sa umano’y maling deklarasyon ng bilang ng mga sakay ng barko sa mga dokumentong isinumite ng kapitan bago bumiyahe.
Inihain ang reklamo sa Department of Justice (DOJ) noong Setyembre 23 at sasailalim pa sa pagsusuri ng National Prosecution Service bago ang posibleng preliminary investigation.
Naghahanda rin ang PCG ng iba pang reklamong kriminal batay sa mga ebidensiyang nakalap sa patuloy na imbestigasyon.
Samantala, nagpapatuloy ang aerial search operations sa karagatan ng Palawan at Southern Tagalog para sa walong nawawala, habang pinag-uusapan na rin ang pagpapabilis sa salvage operation ng barko.
Batay sa pinakahuling datos noong Setyembre 28, umabot na sa 77 ang nasawi, 43 ang nakaligtas at walo pa ang nawawala sa insidente.















