-- Advertisements --

Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order No. 130 na nagtatakda ng bagong sistema sa pagsususpinde at pagpapatuloy ng face-to-face classes, school activities at onsite work sa mga paaralan at learning centers tuwing may kalamidad o iba pang panganib.

Sa ilalim ng kautusan, magkakaroon ng tatlong mekanismo ng suspensyon, awtomatikong pagpapatupad batay sa mga babala ng mga ahensiya ng gobyerno, suspensyon na idedeklara ng mga lokal na pamahalaan, at pansamantalang suspensyon na maaaring ipatupad ng mismong paaralan batay sa lokal na sitwasyon.

Nakasaad din sa EO 130 na hindi awtomatikong ihihinto ang pag-aaral kapag sinuspinde ang face-to-face classes. Sa halip, kailangang magpatupad ang mga paaralan ng angkop na learning continuity measures upang maipagpatuloy ang edukasyon.

Inatasan naman ang Department of Education (DepEd), katuwang ang iba pang ahensiya, na maglabas ng implementing guidelines sa loob ng 30 araw mula sa bisa ng kautusan.