-- Advertisements --

Pinatitibay ng Department of Education (DepEd) ang mga operational protocol nito upang ihanda ang mga paaralan sa posibleng epekto ng El Niño sa sektor ng edukasyon.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, kabilang sa mga estratehiya ang patuloy na risk assessment, pag-a-update ng contingency plans, at paghahanda ng flexible learning options para sa tuloy-tuloy na pag-aaral.

Inatasan din ang mga personnel na bilisan ang pagpapasok ng mga konsepto ng climate change sa curriculum alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Dagdag pa rito, ipinag-utos sa mga paaralan ang pagpapaganda ng water, sanitation, at hygiene facilities upang matiyak ang ligtas na inuming tubig at maayos na bentilasyon sa mga silid-aralan.

Ang mga hakbang na ito ay naglalayong protektahan ang kalusugan ng mga estudyante at guro bago pa man dumating ang mga mas maiinit na buwan.