-- Advertisements --

Mas makabubuti kung fleet card ang ipamahagi sa mga tricycle operators at drivers kaysa P5,000 cash subsidy.

Ayon kay Ariel Lim, pangulo ng National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Association of the Philippines (NACTODAP) at lead convenor ng National Public Transport Coalition (NPTC).

Giit ni Lim, sa pamamagitan ng fleet card ay mas matitiyak na ang tulong ay direktang magagamit sa pagbili ng krudo at hindi mauuwi sa ibang gastusin.

Kasabay nito, inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na simula Marso 17, 2026 ay ipamimigay ang P5,000 fuel subsidy sa mahigit 139,000 tricycle drivers sa Metro Manila, na gagawin sa 39 designated payout centers.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, prayoridad ang mga tricycle drivers dahil sila ang pinaka-apektado ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Sa press briefing ng Malacañang, sinabi ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na ang P5,000 subsidy ay bahagi ng emergency assistance na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang maibsan ang pasanin ng mga public utility drivers.

Gayunpaman, naniniwala ang mga transport coalition na mas magiging epektibo ang fleet card system dahil mas transparent at mas madaling ma-monitor ang aktwal na paggamit ng ayuda.

Ang panukalang fleet card ay nakikitang mas praktikal at mas makatutulong sa pagpapanatili ng operasyon ng mga tsuper sa gitna ng patuloy na krisis sa presyo ng langis.