-- Advertisements --

Mariing itinanggi ng kampo ni Sen. Jinggoy Estrada ang pagiging ‘flight risk’ nito na siyang dahilan para hindi pahintulutan ng korte makalabas ng bansa.

Ayon sa kanyang abogado at tagapagsalita na si Atty. Bianca Soriano, haharapin naman raw ng mambabatas ang mga reklamong kinakaharap.

Kung kaya’t aniya’y hindi maituturing bilang ‘flight risk’ o may tangkang tumakas ang senador papalabas ng bansa para iwasan ang mga reklamong isinampa laban sa kanya.

Giit pa ng abogado na mapagbabasehan dito ang patuloy na pakikipag-ugnayan at pagpapaalam ni Sen. Jinggoy sa Sandiganbayan sa tuwing may biyahe ito paalis ng Pilipinas.

Kinumpirma din niya ang paghahain ng mosyon sa Manila Regional Trial Branch Branch 52 upang iparekunsidera at bawiin ng korte ang inisyu nitong ‘precautionary hold departure order’.

Ibinahagi pa ni Atty. Soriano na makatitiyak naman umano pati ang publiko na haharapin ni Sen. Jinggoy Estrada at hindi tatakasan ang reklamo.

Habang binigyang diin ng abogado na ang reklamong kinakaharap ng senador ay kasalukuyang nasa ‘preliminary investigation stage’ pa lamang.

Kasama aniya ito sa argumento ng kanilang kampo at sinabing nagpapatuloy pa ang imbestigasyon upang matukoy ng prosekusyon kung iaakyat bilang kaso sa korte.

Nahaharap sa reklamong plunder, direct at indirect bribery si Sen. Jinggoy Estrada sa Department of Justice kaugnay sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan.