Iniimbestigahan ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang mga aktibo at retiradong police officer na posibleng tumulong sa puganteng si Atong Ang para makatakas mula sa pag-aresto sa kaniya.
Kasalukuyan ngang nahaharap si Ang sa mga kasong kriminal may kaugnayan sa pagkawala ng mga sabungero.
Ayon kay PNP spokesman Brig. Gen Randulf Tuaño, walang opisyal na nakatalang police security details kay Ang, kayat tinitignan ngayon ng mga awtoridad ang posibilidad ng proteksiyon ni Ang mula sa private guards.
Kabilang sa mga tinitignan pa ng Criminal Investigation and Detection Group na posibleng tumulong kay Ang ang “seasoned police officers.”
Kaugnay sa posibleng papel ng aktibo at retiradong pulis, ipinag-utos ni PNP Chief Melencio Nartatez Jr. ang pag-aaral ng posibleng pagsasampa ng mga kasong administratibo at kriminal. Liban dito, iniimbestigahan din ang mga senior officer.
Biniberipika na rin ang impormasyon na nagtuturo sa posibleng pagkakasangkot ng apat na retiradong heneral, bagamat patuloy pa ring kinukumpirma ang eksaktong bilang ng mga indibidwal na posibleng tumulong kay Ang.
Una nang ibinunyag ng CIDG na nakatanggap na ito ng 17 tips sa posibleng kinaroroonan ni Ang matapos maglabas ng wanted poster na nag-aalok ng P10 milyong pabuya para sa pagkakaaresto ng nagtatagong negosyante.
















